Siyam na taon. Napakahabang panahon ng paghihintay. Tila bangungot sa malalim na pagkaidlip. Isang pasaning krus sa animo’y walang katapusang kalbaryo. Isang mabigat na pagsubok sa isang bansang lugmok sa kahirapan, laganap na katiwalian at lantarang kawalan ng pagpapahalaga sa kapakanan ng nakararami. Lahat ng iyan, sampu ng marami pang iba sa loob ng siyam na taon.
Tulad ng matikas na puno ng kawayan, tayo’y umindak sa bawat unos at bagyong dumating. Pikit-mata nating inunawa ang mga kakulangan at tiniis ang pagkalam ng tiyan. Nakipagsapalarang salungatin ang kalakaran ngunit tayo’y bigo. Sadyang kung minsan ang tadhana ay pumapanig sa mga sakim sa kapangyarihan. Ngunit ang lahat ng bagay ay may katapusan. Sambit pa ng namayapang ginang – tama na, sobra na, palitan na!
Ang bukang liwayway sa makasaysayang araw ng Hunyo 30 ay hudyat ng bagong panimula. Hatid ay bagong sigla, bagong pag-asa. Ang bagong mamumuno ay nailuklok na. Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, ang ika-labinglimang Pangulo ng Repuplika ng Pilipinas. Tayo'y makiisa, makisama, makipagtulungan patungo sa isang maunlad, mapayapa at malayang bansa.
Pangulong Noynoy, mabuhay ka! Ang Pilipinas ay sabik sa isang Messiah.
No comments:
Post a Comment